and the misadventures of Caramel...
1. Bakit kaya hindi kaya ng Workforce na magbigay ng monthly schedule? Bakit kailangang weekly? May problema ba ang workforce sa mga agents na nakapag-adjust na sa schedule, kaya gusto nila guluhin ulit?
Nakakapagtaka talaga na simpleng bagay, hindi mabigyan ng simpleng solusyon. Wala na namang papasok na bagong batch. Ibig sabihin, the number of agents will remain constant. So bakit kailangang parang raffle ang schedule linggo linggo?

Madami na akong call center na pinanggalingan, dito ang bukod tangi na babaguhin ang schedule mo para makapag-training ka. Bakit hindi tignan kung sino ang pare-pareho ang schedule at sila ang pagsamasamahin sa isang training? Hindi yung, magugulat ka na lang split off ka dahil may training ka. Tapos, surprise! Next week, iba na naman ang schedule.
Bakit kaya??? May nakukuha ba kayong satisfaction sa pagkasira ng body clock namin? Nagtatanong lang...
2. Bakit bawal kaming magdala ng Starbucks sa floor? Hindi ba nila alam na ang success ng Starbucks sa Pilipinas ay dahil sa mga call center agents? Napakalamig dito sa floor, bawal pa mag-Starbucks! Ang gusto nila ang inumin lang namin yung libreng kape na makukuha sa pantry... Ang problema sa kape sa pantry, nagkaka-LBM ang mga umiinom. Kaya ata libre.. char!
May insidente nga tungkol sa Starbucks na yan.... Ang mga trainers kasi dito panay mga foreigners - British, Hungarian, Estonian, etc... Sila, kahit ilang Starbucks ang dalhin okay lang. Walang sumisita. Hindi hinaharang ng guard. Kahit nga anong pagkain, kaya nilang dalhin. One time nga, si Estonian Bekimon, nagdala pa ng pizza sa floor! With matching plato, tinidor at knife ha... keber ang guards.

Dahil sa sobrang lamig, naisipan minsan ni Antacid Gurl na bumili ng Caramel Macchiato. Laking gulat nya ng hinarang sya ng guard.
Guard: Bawal po yan.
Antacid Gurl: Bakit? Kape to.
Guard: Against policy po talaga. Bawal.
Antacid Gurl: Eh bakit yung mga trainers?
Guard: Eh iba po yun. Matataas ang posisyon nun kaya puede.
May ganon? So porke agents kami, wala kaming karapatan mag-Starbucks!!!
Syempre, umabot ito kay Bearwin. At ang pag-aakala namin na pagtatanggol nya kaming mga hamak na agents ay mali dahil ang comment nya kay Antacid Gurl ay:
"Bawal talaga, paano kung matapunan mo yung keyboard eh di nasira?"
Ano ba kami, bata??? Hindi kayang uminom ng kape???
Ang daming kwento ni Reechang tungkol kay Caramel. Ito ang ilan sa kanila:
Isang linggong naospital si Caramel dahil sa dengue. Hindi malaman kung nagbibiro ba ang tadhana, dahil nung linggo na naospital si Caramel, naospital din ang anak ni Reechang. At sa iisang floor lang. Kaya dalawa ang binantayan ni Reechang.
Nung minsang dalawin ni Reechang si Caramel sa room, nagulat sya na umiiyak ito.
"Bakit?", tanong ni Reechang.
"Kasi masakit yung tusok sa dextrose", sagot ni Caramel.

Mabigat ang kamay ng doctor na nag-attempt lagyan ng dextrose si Caramel. Nung nagdugo na yung kamay ni Caramel, umalis ito pagkatapos sabihin na kukuha daw ng mas maliit na karayom tapos hindi na bumalik. Iba ang dumating para kabitan si Caramel ng dextrose.
Inakap na lang ni Reechang si Caramel habang tinutusok ulit para makabitan ng dextrose. Sabi nga ni Reechang, panay daw ang ngiti nung mokong na nagkabit ng dextrose.
Humihingi ng medical certificate si Caramel. Habang hinahanap ni Manong Guard ang pangalan nya sa listahan, mega usyoso ang Caramel.
"Hay, bakit ang daming Marilyn Ong sa listahan?", tanong ni Caramel.
Hindi kumibo si Manong Guard.
Inabot ang medical certificate.
Binasa ni Caramel.
Ang signatory sa medical cerificate - ang mahiwagang si Marilyn Ong.
Lalabas na ng hospital si Caramel. Kailangang magbayad. Inaya nya si Reechang na magwithdraw. Palabas ng hospital, hinarang sila ng guard. Suot pa kasi ni Caramel ang bracelet na nagpapatunay na isa syang pasyente sa UST.
"Kuya, magwwithdraw lang po", sabi ni Caramel.
"Hindi puede, naka-admit ka pa", sabi ng Guard.
Kinausap ni Reechang si Caramel.
"Ako na lang ang magwwithdraw. Ano ba yung PIN?", tanong ni Reechang.
"Eh, nasa bahay yung ATM", sagot ni Caramel.
Ang ending? Pinahiram na lang muna ni Reechang si Caramel para makalabas na sya ng hospital.
Nakisabay si Caramel at Reechang sa isang workmate na may kotse. Nag-left turn sa hindi dapat, kaya hinuli ng isang Patola.
"Sandali lang ha, bigyan ko lang ng singkwenta", sabi ng workmate na may tsikot.
Pagbaba ni Rich Kid ng kotse para maglagay sa Patola, natawa na lang si Reechang sa tanong ni Caramel.
"May resibo ba yung singkwenta?"
Wish ko lang may resibo ang kotong...